Sabado, Enero 12, 2013

Filipino ESEP VII- Andromeda

Marami sa atin ngayon ang naguguluhan sapagkat marami ang hindi alam kung sila ay isang Pilipino o hindi. Dati-rati nung tayu ay nasa unang baitang ng pag-aaral ay nalaman natin na masasabi nating Pilipino tayo kung ang ama at ina natin ay Pilipino o kaya naman isa doon ay isang Pilipino. Sinasabi  naman ng Artikulo IV ng Saligang Batas na hindi lahat ng naninirahan sa Pilipinas ay matatawag na isang mamamayang Pilipino. Upang ikaw ay maging isang ganap na Pilipino, kailangan daw na tayo ay naninirahan sa Pilipinas ng pagtibayin ang Saligang Batas ng 1987 noong Pebrero 2, 1987. Madami naman ang nagsasabi na basta nasa Pilipinas ka ng matagal-tagal na panahon, ikaw ay matatawag na isang mamamayang Pilipino. Ano ba talaga ang mga kwalipikasyon upang ikaw ay masasabing isang Pilipino. Kung ako ang tatanungin, iba ang aking pananaw tungkol diyan.

Sa ngayon, kung ikaw ay magsisiyasat sa iba't-ibang tao dito sa Pilipinas kung ano talaga ang kwalipikasyon sa pagiging isang Filipino, iba't-iba ang kanilang mga pananaw. May mga nagsasabi na kapag ibinase sa Jus sanguinis o ang prinsipyo ng batas ng nasyonalidad sa pamamagitan ng kung saan pagkamamamayan ay hindi natutukoy sa pamamagitan ng lugar ng kapanganakan ngunit sa pamamagitan ng pagkakaroon ng isa o parehong mga magulang na mga mamamayan ng bansa, ikaw ay matatawag na isang mamamayang Pilipino. May mga nagsasabi din na kung ibabase sa Jus soli  makikilala ang karapatan sa pamamagitan ng kung saan nasyonalidad o pagkamamamayan sa isang indibidwal na ipinanganak sa teritoryo ng mga kaugnay na estado, ikaw ay matatawag na Pilipino. Ngunit kahit na nagkakaiba sila ng mga pananaw tungkol sa prinsipyong iyan, mapapansin mo pa rin may pagkakapareho ang kanilang mga pinagbabasehan.

Marami ring mga di pagkakaunawan at pagtatalo sa ating bansa kung sino ba talaga ang tunay na kinikilalang Pilipino, kung ano talaga ang wika nito, at kung ano ang mga prinsipiyo at kultura nito. Isa sa mga pinakatanyag na labanan na may kinalaman sa pagka-Pilipino at kung ano ang wika nito ay ang Abu Sayyaf na karibal ng ating Pamahalaan. Pinipilit ng Abu Sayyaf na dapat hiwalay na bansa ang Mindanao at Palawan sa ating bansa sapagkat di daw natin kinikilala ang kanilang kabayanihan sa pag-aambag nila sa kalayaan ng Pilipinas. Ipinagpipilitan din nila na dapat ang wikang Arabe ang dapat na pambansang wika ng Pilipinas. At dahil sa di nasolusyonan ang sana'y maliit na problema na ito, marami ang namatay at nahirapan dahil sa ganap na kaguluhan na ito.

Marami ring pagkakamali ang mga pananaw ng ating Pamahalaan at ng Abu Sayyaf. Kung susurin, hindi dapat pinaninindigan ng Abu Sayyaf ang kanilang kaisipan dahil maraming tao ang namamatay dahil sa kanilang hindi pagsasaloob ng kanilang mga ginagawa. Iniisip lamang nila ang kanilang mga sarili at ang kanilang kultura. Sa kabilang banda naman, masyado ding bingi ang Pamahalaan natin sa mga hinaing ng mga kapatid nating mga Muslim. Dahil doon, marami din ang namatay. Naging tanyag din ang karumal-dumal  na Jabidah Massacre sapagkat pinatay ng mga sundalo ng Sandatahang Lakas ng Pilipinas ang karamihan sa mga Muslim na kasapi ng isang grupo na pupunta sa Sabah upang bawiin ito mula sa Malaysia. Marami ang humingi ng hustisya ngunit tila naging bingi ang ating Pamahalaan.

Sana naman ay hindi na maulit ang mga pangyayaring ito na ang dahilan lang naman ay tungkol sa ating lahi, wika, at kultura. HIndi natin kailangan na magbase sa iba't-ibang pananaw at kaisipan tungkol dito para lang masabing Pilipino tayo. Ang tunay na ibig sabihin ng pagiging Filipino ay nasa puso. Hindi porket sinusunod natin ang mga patakaran ng pagiging Pilipino ay Pilipino na tayo. Kailangan nating maging makabayan at isabuhay natin ito dahil kung hindi, wala ring kwenta. Maging Pilipino tayo sa isip, sa salita, sa puso, at sa gawa.